P297-M luxury cars winasak ni Duterte
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines — Sa ikalawang pagkakataon, muling pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagwasak sa mga mamahaling sasakyan at motorsiklo na nagkakahalaga sa humigit kumulang na P297 million sa Port Irene, Sta. Ana, Cagayan kahapon ng hapon.
Ayon kay Atty. Raul Lambino, Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) administrator and CEO, kabilang sa mga sinira na mga sasakyan ay ang mga mamahaling sports car tulad ng 9 na Mercedez Benz; pitong BMW; limang Porche; 11 Nissan Fairlady; dalawang Nissan Skyline; isang Jaguar ST; 10 Toyota, dalawang Ford Mustang, isang Lamborghini Gallardo; dalawang Mazda; tatlong Hyundai at dalawang Honda kabilang din ang walong Harley Davidson, at dalawang Chopper T1 Triumph.
Sa kabuuan ay umabot sa P277,961,760 ang halaga ng 68 luxury cars na winasak habang P19,567,350 naman ang halaga ng mga mamahaling motorsiklong dinurog.
Matatandaan na nitong Marso 14 ay mismong si Duterte ang nanguna sa pagwasak sa 14 hi-end na sasakyan sa nasabi ring lugar.
Ang naunang 14 luxury cars at 68 na iba pa na winasak ng pamahalaan ay kabilang sa 847 imported vehicles na nasa pangangalaga ng CEZA sa loob ng Port Irene matapos ideklarang ilegal na naipuslit papasok sa bansa.
Inihayag ng Palasyo na ang pagdurog sa mga mamahaling sasakyan ay para iparating ang mensahe sa mga smugglers na wala umano silang puwang sa kasalukuyang administrasyon.
- Latest