Zambales official, 2 pa sinalvage, ibinaon
Mga bangkay, naamoy ng aso
SAN FELIPE, Zambales , Philippines — Nang dahil sa isang aso, nadiskubre ng pulisya ang tatlong bangkay ng lalaki kabilang ang hepe ng Population Commission na pinaniniwalaang biktima ng “summary execution” sa San Felipe, Zambales kamakalawa.
Sa isang bahagi ng ilog sa Maculcol Bridge sa Barangay Manglicmot nahukay ang mga biktima na pawang nakagapos ang mga kamay at paa.
Batay sa report kay Zambales Provincial Police Office (ZPPO) Director Sr. Supt. Cosme Abrenica, nakilala ang mga biktima na sina Norman Montevirgen, 64 anyos, hepe ng Population Commission ng Zambales Provincial local government, ng Barangay Pagatpat, Sta. Cruz; Darell Olipane, 18, ng Brgy. Amungan, at Gerald Laborce, 24, ng Barangay San Agustin, pawang sa Iba, Zambales.
Sa imbestigasyon, alas-7:40 ng umaga nitong Huwebes ng madiskubre ng isang Bobby Puso ang mga bangkay habang namamastol ng kanyang alagang baka. Napansin niya ang alagang aso na paikut-ikot ito at may inaamoy sa lupa hanggang naghukay na ito at dito tumambad ang bangkay ng isa sa mga biktima na nakabaon sa lupa.
Agad na ipinagbigay-alam nito sa mga awtoridad ang pagkakadiskubre sa bangkay hanggang sa tumambad na tatlo ang nakabaon sa lupa.
Sinabi ni Abrenica na unang napaulat sa pulisya na nawawala ang mga biktima nitong nakalipas na Hulyo 21 hanggang marekober sila kamakalawa.
- Latest