Sundalo tigok sa kabaro
MANILA, Philippines — Isang sundalo ang napatay ng kapwa niya sundalo na pinaniniwalaang dumadanas ng ‘war shock’ o ‘combat stress disorder’ nang pagbabarilin siya sa loob ng kanilang himpilan naganap sa Brgy. Lagdungan, Tapaz, Capiz kahapon ng madaling araw.
Sanhi ng mga tama ng punglo ng isang cal.9mm pistol sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, hindi na umabot pa nang buhay sa pagamutan ang biktimang si Pfc Delio Sebarillo, 37 taong gulang , AFP member, at nakatalaga sa Bravo Company ng Army’s 94th Infantry Battalion (IB) na nakabase sa nasabing lugar.
Arestado naman ang suspek na si Pfc Sargie Labao, 28, kasamahan ng biktima sa nasabing himpilan ng militar.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Capt. Eduardo Precioso, spokesman ng Army’s 3rd Infantry Division (ID), dakong alas-4 :00 ng madaling araw habang nasa loob ng kampo ang biktima at suspek ay walang abug-abog na pinagbabaril ni Labao ang nasorpresang biktima na agad na bumulagta.
Nagawa pang maisugod sa Tapaz District Hospital ang biktima pero idineklara na itong dead-on-arrival.
Nabatid sa opisyal na ang suspek ay dating na-confine sa AFP Medical Center sa V. Luna, Quezon City matapos itong masugatan mula sa isang bakbakan sa Mindanao.
- Latest