Lalaki patay matapos makipagbarilan sa pulis sa Cebu
MANILA, Philippines – Isang armadong lalaki ang patay matapos makipagbarilan sa mga awtoridad sa palasyo ng arsobispo sa Cebu City ngayong Martes.
Kinilala ni Police Regional Office-Central Visayas Director Chief Supt. Debold Sinas ang lalaki bilang si Jeffrey Mendoza Cañedo ng Barangay Labangon, Cebu City.
Natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek base sa nakuhang driver’s license.
Rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng tawag mula sa mga tauhan ng palasyo na may isang armadong lalaki ang umaaligid sa kanilang lugar.
Ayon sa guwardiya, unang hinanap ng lalaking naka suot ng bonnet at nakasakay sa motorsiklo si Archbishop Jose Palma.
Sinubukang kausapin ng mga rumespondeng pulis si Cañedo ngunit bigla itong nagpaputok ng kalibre-38 na baril.
Dahil dito ay napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad na naging sanhi ng pagkasawi ni Cañedo.
Samantala, sinabi ni Cebu Archdiocese Spokesperson Monsignor Joseph Tan na nasa Maynila si Archbishop Palma at wala namang natatanggap na banta sa kaniyang buhay ang arsobispo.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang motibo ni Cañedo sa paghahanap kay Palma.
- Latest