Nigerian, timbog sa online scam
MANILA, Philippines — Naaresto sa pamamagitan ng entrapment operation ang isang Nigerian na nambibiktima sa internet habang aktuwal nitong tinatanggap ang pera buhat sa kanyang biktima sa isang branch ng Cebuana Lhuillier sa Brgy. Tanzang Luma II, Imus City, Cavite kamakalawa ng hapon.
Hawak ng pulisya ang naarestong suspek na kilalang si Emmanuel Chinonso Nnandi, 30-anyos, residente ng Bali Hai Residences, Brgy. Buhay na Tubig, Imus City, Cavite.
Habang naaresto rin sa isinagawang follow-up operation ang pito pang kasama nito na pawang mga Nigerian din at isang Pinay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-4:00 ng hapon nang magtungo sa himpilan ang biktimang si Arnel Palencia Pilapil, 31-anyos, may asawa, driver, at residente ng Aguada St., Brgy. San Miguel, Manila, hinggil sa umanoy nabiktima siya ng scam sa online.
Agad na ikinasa ng pulisya ang entrapment operation laban sa suspek na si Nnandi, kung saan inabangan ito sa Cebuana Lhuillier kung saan nito kukunin ang perang galing sa biktima.
Habang tinatanggap na ng suspek ang pera na nagkakahalaga ng P10,000 ay dito na siya agad na dinakma ng mga pulis.
Napag-alaman na gumagawa ng mga pekeng FB account ang suspek kasama ang iba pang miyembro nito upang makapanloko sa online.
- Latest