Ten-wheeler truck vs van: 13 patay!
MANILA, Philippines — Patay ang 13 katao matapos na magbanggaan ang isang 10-wheeler truck at isang closed van kahapon ng hapon sa Sitio Lantawan, Barangay Astorga, Davao del Sur.
Sinabi ni Sr. Insp. Mary Grace Martinez, hepe ng Santa Cruz Municipal Police Station na ang closed van ay may sakay na 17 katao kabilang ang driver nang maganap ang insidente.
Lumalabas na mabilis na tumatakbo ang van at nawalan ito ng kontrol hanggang sa tumawid sa kabilang linya ng kalsada. Pagsapit umano sa kurbang bahagi ng kalsada ay paparating naman ang 10-wheeler truck at sumalpok sa unahang bahagi nito sa van.
Sinabi ni Martinez na total wreck ang unahang bahagi ng van at 12 sa pasahero nito ay dead-on-the-spot habang apat pa ang patuloy na ginagamot sa kalapit na ospital.
Namatay naman habang nilalapatan ng lunas ang isa pa sa limang isinugod sa Davao del Sur provincial hospital habang nagtamo lang ng kaunting sugat ang driver ng truck at kanyang pahinante.
Ang mga biktima ay pawang empleyado umano ng Franklin Baker na papunta sana sa kanilang trabaho.
Tumanggi ang opisyal na banggitin ang pangalan ng mga nasawi dahil ipapaalam pa ang kanilang sinapit sa kanilang mga pamilya.
- Latest