3 Sayyaf utas sa rescue mission!
7 sundalo sugatan
MANILA, Philippines — Tatlong kidnappers na mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang nasawi habang pitong sundalo ang nasugatan sa rescue mission sa dalawang babaeng pulis na bihag sa naganap na engkuwentro sa Patikul, Sulu kahapon ng umaga.
Ayon kay Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force (JTF) Sulu, nakasagupa ng kanilang tropa ang grupo nina ASG commanders Idang Susukan at Almujer Yadan sa nasabing lugar.
Kinilala ang mga napatay na ASG kidnappers sa mga alyas na Moktar, Julhadi at Surayb na binitbit sa pagtakas at inilibing na ng mga bandido.
Sinabi ni Sobejana, ang nasabing grupo ang natukoy na may hawak sa mga bihag na sina PO2 Benierose Alvarez at PO1 Dinah Gumahad; pawang kasapi ng Crime Laboratory ng Police Regional Office (PRO) 9.
Ang ground troops ng militar ay sinuportahan ng air support ng MG520 combat helicopters ng 3rd Tactical Wing ng Philippine Air Force (PAF). Gayunman sa pagpapakawala ng artillery fires ng mga bandido ay nasugatan naman ang pitong sundalo.
Sinabi ni Sobejana na nasa rescue mission ang mga tauhan ng 21st Infantry Battalion ng Phl Army para iligtas ang dalawang babaeng pulis na hawak ng mga terorista ng makasagupa ng mga sundalo ang tinatayang nasa 70 Abu Sayyaf sa Sitio Sangay, Brgy. Buhanginan, Patikul bandang alas-6 ng umaga.
Bukod sa dalawang pulis ay binihag din ang dalawa pang kasama nina Alvarez at Gumahad na sina Jakosalem Ahamad Blas at Faizal Ahidji.
Una nang humingi ng P5 milyong ransom ang mga bandido kapalit ng pagpapalaya kina Alvarez at Gumahad habang P300,000 naman kina Ahidji at Blas. Ang apat ay binihag ng grupo ng mga bandido noong nakalipas na Abril 29 ng taong ito sa Brgy. Gandasuli, Patikul. Sulu.
- Latest