Rebeldeng NPA napatay, 4 pa timbog sa checkpoint
MANILA, Philippines — Isang lalaki na pinaghihinalaang notoryus na miyembro ng liquidation squad ng mga teroristang New People’s Army (NPA) ang napaslang habang apat pa ang nasakote matapos na kumasa sa mga operatiba ng pulisya sa checkpoint sa Brgy. Dambo, Pangil, Laguna nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) IV A Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar ang nasawing NPA terrorist na si Ismael Criste alyas Ka Maeng ng Rebolusyonaryong Buwis Sa Kaaway Na Uiri (RBKU) ng Cesar Batrollo Command ng NPA.
Ang mga nasakote ay nakilala namang sina Luis Alano Jr., 44 ng Tanauan, Batangas; Shirley de Guzman Martinez alyas Shee, 47; ng San Antonio, Quezon; Felicidad de Mesa Villegas alyas Ka Fely, 60 ng Pakil, Laguna at Cristy Ramos Lacuarta alyas Ka Tintin, 30 ng Capiz City; pawang aktibong kasapi ng SPARU unit ng NPA terrorists.
Bandang alas-4:10 ng hapon nang makasagupa ng pinagsanib na elemento ng 2nd Laguna Mobile Force Company, Regional Mobile Force Battalion 4A at Regional Intelligence Unit 4 A ang grupo ng mga komunistang terorista sa Comelec checkpoint sa highway ng Brgy. Dambo, Pangil ng lalawigan.
Bago ito ay nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na may pinaplanong ilikidang PNP personnel mula sa Sta. Cruz at Alaminos Municipal Police Station (MPS) ang naturang grupo ni Criste.
Agad pinutukan ni Criste ang mga pulis na nagbabantay sa checkpoint na masuwerteng hindi tinamaan.
Kaya’t gumanti ng putok ang mga pulis na nauwi sa shootout na siya nitong ikinasawi .
Nagsisuko naman ang apat nitong kasamahan matapos na masukol ng mga otoridad sa nasabing operasyon.
Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang apat na cal. 45 pistol, isang M1 garand rifle, isang submachine gun, 45 piraso ng cal 9 MM, dalawang cal. 38 revolver, isang cal 5.56 at mga basyo ng bala.
Nakuha rin mula sa mga suspek ang dalawang piraso ng granada, apat na piraso ng tig P1,000 bill, dalawang wallet, dalawang cellphone, isang Bluetooth speaker, isang kulay pulang Datsun (TSX 372 ), mga personal na kagamitan, sari-saring mga dokumento at iba pa.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 (illegal possession of firearms and ammunition at RA 9516 ( illegal possession of explosives ) ang mga nasakoteng NPA.
- Latest