2 pulis, 2 sibilyan dinukot ng Sayyaf
MANILA, Philippines — Dinukot ng 11 armadong kalalakihan na pinaghihinalaang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang dalawang babaeng pulis at dalawang sibilyan sa isang liblib na lugar sa Patikul, Sulu kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ang mga kinidnap na pulis na sina PO2 Benierose Alvarez at PO1 Dinah Leonardo Gumahad, pawang nakatalaga sa Crime Laboratory ng Police Regional Office (PRO) 9.
Ang dalawang sibilyan ay nakilala namang sina Jaikosalem Ahamad alyas Jack, driver ng tricycle na sinakyan ng mga biktima at Faizal Ahidji.
Bandang alas-12:40 ng tanghali, ayon kay Joint Task Force Sulu (JTF) Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana nang mangyari ang pagbihag sa mga biktima sa highway ng Brgy. Liang, Patikul, Sulu.
Galing ang mga biktima sa Camp Bautista sa kapitolyo ng Jolo, Sulu at sumakay ng tricycle (body #1899) may marking na “Igasan family” pero pagsapit sa lugar ay dito na hinarang, tutukan ng baril at kaladkarin ng mga armadong kidnappers patungo sa katimugang direksyon sa kagubatan ng nasabing lugar.
?Iniutos na ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde ang search and rescue operations para sa mga dinukot na biktima kasabay ng isinasagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad laban sa mga armadong grupo.
Sa tala, may mahigit 10 pang hostages ang hawak ng mga bandido kabilang ang ilang dayuhan sa Sulu. ?
- Latest