19 nalason sa noodles
MANILA, Philippines — Labingsiyam katao na karamihan ay mga bata ang isinugod sa pagamutan makaraang malason umano sa kinaing noodles na inihanda sa isang piyestahan sa Lake Sebu, South Cotabato nitong Martes ng gabi.
Sa inisyal na ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region 12, ang mga biktima ay sinilbihan ng kanin at noodles sa piyesta ng Brgy. Takunel sa nasabing bayan bandang alas-8:00 ng gabi.
Gayunman, matapos makain ang nasabing isinilbing noodles ay nakaranas ng matinding pananakit ng tiyan, pagkahilo, matinding pananakit ng ulo at pagsusuka ang mga biktima.
Kaya’t mabilis na isinugod sa pagamutan ang mga biktima upang malapatan ng lunas.
Isinailalim na ng mga health officials sa pagsusuri ang kinaing noodles ng mga biktima upang alamin kung ito ang talagang naging sanhi ng pagkalason nila.
- Latest