89 estudyante nahilo, naratay sa ospital
Nakalalasong kemikal tumagas
OLONGAPO CITY , Philippines — Nasa 89 estudyante mula sa Olongapo City National High School ang sunod-sunod na itinakbo sa ospital makaraang makalanghap ng umano’y masangsang na kemikal na tumagas mula sa isang ice plant sa naturang lungsod kamakalawa ng hapon.
Halos mapuno ang James L. Gordon Memorial Hospital (JLGMH) ng mga magulang at maging ng mismong mga biktima ng chemical leak na nakaramdam ng biglaang pagkahilo, panghihina at pagkahimatay ilang sandaling makaamoy ng kemikal mula sa naturang planta na katabi lamang ng paaralan.
Sa inisyal na ulat, bandang alas-4 ng hapon habang nasa kasagsagan ng klase ang mga biktima na nasa Grade 9 at Grade 10 nang sabay-sabay umanong mahilo na kalaunan ay hindi na makahinga at nagsitumbahan.
Agad namang rumesponde ang kani-kanilang mga guro at isa-isang isinugod ang mga biktima ng rescue team ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa opsital.
Kasunod nito, sumugod dahil sa labis na pag-alala ang mga magulang sa paaralan at sa ospital nang mabalitaan ang pangyayari.
Inaalam pa kung may mga na-ospital din na manggagawa ng iceplant kung saan nagsimula ang pagtagas ng nakakalasong kemikal.
Isinasailalim pa rin sa imbestigasyon kung ano ang naging dahilan ng chemical leak sa planta na ngayon ay isinara muna ang operasyon nito.
Kaugnay nito, inanunsyo naman ni Mayor Rolen Paulino ang pagsususpinde sa klase sa paaralan upang matiyak na ligtas sa anumang kapahamakan ang mga mag-aaral.
- Latest