5 pulis, sibilyan sugatan sa roadside bombing
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Limang pulis at ang 60-anyos na lolo ang nasugatan makaraang sumabog ang landmine na sinasabing itinanim ng mga rebeldeng New People’s Army sa Barangay Diduyon, bayan ng Maddela, Quirino noong Biyernes. ?
Base sa police report na nakarating kay P/Chief Insp. Ricardo Salada, hepe ng Maddela Police, kinilala ang mga sugatang sina PO2 Sonny Tadeo, PO2 Artemio Vino, PO2 Vicente Macabadbad, PO1 Omli Bruno, at si PO1 Marvin Cabanilla, mga nakatalaga sa Quirino Provincial Public Safety Company sa Barangay Dipantan sa bayan ng Nagtipunan.
Dinala rin sa Quirino Medical Center sa bayan ng Cabbaroguis ang sibilyang si Jolly Juan na natamaan ng sharpnel habang nag-aararo malapit sa blast site.
Samantala, anim na pulis na nagtamo lamang ng galos at mga bukol ang nakaligtas makaraang tumalon mula sa SUV.
Sa ulat ng pulisya, pabalik sa kampo ang mga operatiba ng QPPSC sa pangunguna ni SPO2 Wenceslao Tenoso sakay sa Toyota Hilux (SJZ 747) nang biglang sumabog ang landmine pagsapit sa kinukumpuning kalsada sa Barangay Diduyon.
Agad na tinamaan ang 5 sa 10 pulis na lulan ng police vehicle kabilang na ang magsasakang si Juan.
Narekober sa blast site ang improvised battery pack, mga kable ng kuryente at bahagi ng sumabog na landmine.?
Base sa tala ng pulisya, noong Hulyo 3 ay ni-raid ng mga rebelde ang construction depot sa Barangay Cabua-an sa Maddela at sinunog ang limang heavy equipments. ?
Noong Huwebes lamang ay isang sundalo ang napatay sa naganap na enkwentro ng militar laban sa NPA sa karatig bayan ng Nagtipunan.
- Latest