4 todas sa Bulacan shootout
BULACAN , Philippines - Apat na kalalakihan na sinasabing nasa drug watchlist at sangkot sa serye ng carnapping at robbery/hold-up ang napaslang makaraang manlaban sa mga operatiba ng pulisya sa inilatag na anti-drug operation sa Barangay Caniogan, Malolos City, Bulacan kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga napatay na sina Ronald “Tonton” Gaben, Paquito Bernardo, Rodolfo “Dolfo” Roberto, at si Angelito “Toto” Dela Cruz habang arestado naman ang barangay tanod na si Rodolfo Leoncio, 41, mga nakatira sa nasabing barangay.
Sa ulat ni P/Supt. Heryl Bruno na isinumite kay P/Senior Supt. Romeo Caramat Jr., Bulacan provincial police director, bandang alas-3 ng madaling araw nang isagawa ng pulisya ang operasyon laban sa grupo ni Tonton sa bisinidad ng Kabihasnan Street.
Gayunman habang isinasagawa ang buy-bust operation ay nakatunog sina Toto at Pacquito na nagresulta sa shootout sa pagitan ng magkabilang panig kung saan kapwa napatay.
Samantala, bagaman mabilis na tumalilis sina Tonton at Dolfo ay hinabol ng mga awtoridad at napatay din sa operasyon.
Base sa tala ng pulisya, ang mga suspek ay una nang sumuko sa Oplan Tokhang noong 2016 pero patuloy pa rin sa pagtutulak ng droga.
Nabatid din na ang mga suspek ay nasa likod ng malawakang nakawan ng mga motorsiklo at iba pang uri ng sasakyan sa nasabing lungsod at iba pang bayan sa nasabing lalawigan.
Narekober sa encounter site ang cal. 45 pistol, tatlong shotgun na paltik, mga bala, ilang plastic sachet ng shabu, mga drug paraphenalia, digital weighing scale, ilang cellphone, tablets at P300 marked money na ginamit sa operasyon.
- Latest