6 SUV ng rent-sangla scam, isinuko ng ex-vice governor
OLONGAPO CITY, Philippines - Kusang isinuko ni ex-Vice Governor Vic Magsaysay ng Zambales ang anim na bagong SUV matapos itong mapag-alamang mula sa sindikato ng rent-sangla.
Ayon kay Magsaysay, isinangla sa kanya ni Earl Noel Meredith, apo ng may-ari ng beach resort sa Subic sa halagang P.4 milyon kada isa kaya naman nagtiwala siya dahil kilala niya ito.
Makalipas ang ilang buwan ay nagtaka na umano si Vic na may umaangking may-ari ng mga sasakyan na may mga kasama pang mga awtoridad kaya pinahanap niya si Meredith at ang kasabwat na si Roldan Bernaldo.
Subalit di na ito natagpuan kaya pina-check ni Magsaysay ang mga OR/CR sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan.
Nang madiskubre ang modus operandi ng sindikato ay kaagad na itinawag ni Magsaysay sa NBI Olongapo City.
Sa liham na ipinadala ni Norman Revita, Special Investigator ng NBI na may petsang Marso 9, 2017 kay Major Vicente Tolentino, hepe ng Law Enforcement Department ng SBMA, nakasaad na kusang inilagak ni Magsasay ang anim na SUV sa pasilidad ng NBI noong Marso 2.
Gayunman, sa kawalan ng parking area sa compound ng NBI ay pansamantalang inilagay ang anim na SUV sa compound ng Ichiban Import-Export Corp. sa Argonaut Highway sa Subic Bay Freeport Zone.
Sa pahayag naman ni SBMA Administrator Atty. Wilma Eisma na ang pagkabawi sa mga sasakyan ay bunga ng pagtutulungan ng PNP, NBI at SBMA LED.
Siniguro ni Atty. Eisma sa publiko na hindi titigil ang SBMA hanggang ang sindikato ng Rentangay ay maparusahan at hindi niya hahayaan na ang Subic Freeport Zone ay maging kanlungan ng kriminalidad.
- Latest