Basilan blast: 2 bata patay, 3 sugatan
MANILA, Philippines - Dalawang bata ang namatay habang tatlo ang nasugatan makaraang sumabog ang bomba na sinasabing itinanim ng mga bandidong Abu Sayyaf Group sa bayan ng Al Barka, Basilan, noong Linggo ng umaga.
Sa ulat na nakarating kay AFP Western Mindanao Command Commander Major Gen. Carlito Galvez Jr., kinilala ang mga namatay na sina Niyadz Pising, 2; at Ombek Akbar, 5, habang ginagamot naman sa ospital ang mga sugatang sina Pahmiya Pising, Salmiya Akbar, kapwa 4-anyos; at si Suriama Akbar, 25.
Base sa ulat, naglalaro ang mga biktima sa gilid ng kalsada nang matapilok ang bomba kaya ito sumabog.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang mga biktima pero dalawa ang namatay habang sugatan naman ang tatlo.
Naniniwala naman si Galvez na kagagawan ng mga bandido ang pagpapasabog bilang resbak sa opensiba ng militar upang durugin ang kanilang grupo.
Magugunita na noong Disyembre 2016 ay dalawang bata rin ang namatay at dalawa ang nasugatan sa pagpapasabog ng bomba ng mga bandido sa Brgy. Bohe Piyang sa bayan din ng Al Barka.
- Latest