Davao bombing Part 2 ng ‘ Maute group’, buking
MANILA, Philippines - Plano umanong bombahin sa ikalawang pagkakataon o ‘Part 2’ ng Maute terrorist group ang Davao City, ayon sa opisyal ng Philippine Army kahapon.
Sinabi ni Col. Benjamin Hao, tagapagsalita ng Phil. Army na ito ang nabuko sa plano na muling pagsasagawa ng pambobomba ng mga teroristang grupo matapos ang isinagawang tactical na interrogation sa mga nasakoteng Davao City bombers.
“Bukod umano sa Davao City ay plano ring magsagawa ng pambobomba ng nasabing grupo sa iba pang pangunahing lungsod sa Mindanao.
Nitong Sabado (Oktubre 29) ng madaling araw ay nasakote ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya ang apat na Davao bombers sa magkakahiwalay na operasyon sa Cotabato City.
Ang mga suspek na pawang miyembro ng ‘Dawla Islamiya Fi Cotabato – Maute Group’, ay nakilalang sina Mohammad Lalaog Chenikandiyil alyas Datu Boi; Jackson Mangulamas Usi alyas Abu Mansor/Jam; Zack Villanueva Lopez alyas Haron, at Ansan Abdulla Mamasapano alyas Abu Hamsa.
Magugunita na noong Oktubre 4 ay una nang nasakote ang tatlong mga kasamahan ng mga suspek na sina TJ Tagadaya Macabalang, Wendel Factural, at Musaili Mustapha sa operasyon sa Cotabato.
Ang mga suspek ang itinuturong nasa likod ng madugong pambobomba sa lungsod ng Davao noong Setyembre 2 ng gabi na kumitil ng buhay ng 15 katao habang mahigit pa 70 ang nasugatan.
Sinabi ni Hao na ang pambobomba sa Davao City ay bahagi ng diversionary tactics upang matigil ang pinalakas na opensiba ng tropa ng militar laban sa mga bandidong Abu Sayyaf Group sa Sulu na kaalyado ng nasabing grupo.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy naman ang pagtugis laban sa nalalabi pang miyembro ng Maute terrorist group.
- Latest