Bulacan shootout: 4 tulak tumba
BULACAN, Philippines - Apat na kalalakihan na sinasabing notoryus na drug pushers ang napatay habang dalawa pa ang naaresto matapos na mauwi sa shootout ang inilatag na buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Minuyan Proper, San Jose del Monte City, Bulacan noong Miyerkules ng gabi.
Sinabi ni P/Senior Supt. Romeo Caramat Jr., acting provincial director ng Bulacan PNP, bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng apat na napatay na pawang miyembro ng Espinosa drug group na pinamumunuan ni Erick Espinosa na high-value target sa drug list.
Arestado naman ang dalawang drug pusher na sina Mark Anthony Laxa, 22, tubong Quezon City at Rene Lloyd Sacdalan, 26, ng Towerville Subd. sa nasabing barangay.
Nakatakas naman ang lider ng grupo na si Erick Espinosa.
Bandang alas-6:30 ng gabi nang ilatag ang buy-bust operations sa Towerville Subdivision kung saan papasok pa lamang ang mga tauhan ng Intelligence at Anti-Illegal Drugs Special Operative Task Group sa pakikipagkoordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency 3 laban sa nasabing grupo pero agad pinaputukan ang mga operatiba na nauwi sa shootout.
Gayunman, isang nag ngangalang Michelle Seleic ang tinamaan ng ligaw na bala sa kanang hita sa shootout kung saan isinugod naman sa pagamutan at idineklarang nasa ligtas na kalagayan.
Narekober naman sa encounter site ang tatlong cal. 38 revolver, cal. 45 pistol, improvised handgun, anim na plastic sachet na may shabu at mga drug paraphernalia.
- Latest