Trak swak sa kanal: 4 patay, 21 sugatan
MANILA, Philippines – Apat na kabataang miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang namatay habang 21 naman ang nasugatan makaraang mahulog ang sinasakyan nilang trak sa malalim na kanal sa Mati City, Davao Oriental noong Biyernes ng umaga.
Kabilang sa mga namatay ay sina Rachelle Manulat, 12; Rhea Jane Domincillo, 10; Danna Jane Saren,10; at si Steffani Ann Baltonado, 9, habang naisugod naman sa ospital ang mga sugatang biktima.
Isinugod naman sa bahay-pagamutan ang mga sugatang biktima.
Base sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Harry Espela, PNP provincial director ng Davao Oriental, patungong sporting event ng kanilang relihiyon sa nasabing lungsod ang mga biktimang sakay ng Isuzu Forward (LEA551) nang mawalan ng preno pagpasok pa lamang sa Barangay Taguibo bandang alas-7 ng umaga.
Ayon naman kay P/Chief Insp. Andrea de la Cerna, PNP regional spokesman, nawala sa linya ang sasakyang minamaneho ni Nove Saren mula sa bayan ng Pantukan, Compostela Valley kaya ito tumagilid saka nagtuluy-tuloy sa kanal na daluyan ng tubig.
Isinailalim na sa kustodya ng pulisya ang driver ng trak habang patuloy ang imbestigasyon. Dagdag ulat ni Mario D. Basco
- Latest