Arkitekto itinumba ng abugado
MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang matinding selos kaya napatay ang 50-anyos na arkitekto matapos itong pagbabarilin ng isang abugado sa mismong campus ng sikat na unibersidad sa Tacloban City, Letye noong Lunes ng tanghali.
Nasapul ng mga tama ng bala sa dibdib na tumapos sa buhay ng biktimang si Archimedes Moscare, arkitekto ng Leyte Normal University na isa sa pinakamatandang unibersidad sa nasabing lungsod.
Sa ulat ni P/Supt. Domingo Cabillan, hepe ng Tacloban City PNP na isinumite sa Camp Crame, bandang alas-12:17 ng tanghali nang maganap ang krimen sa mismong tanggapan ni Moscare sa ikalawang palapag ng unibersidad.
Ikinasa na ang malawakang manhunt operations laban sa 42-anyos na suspek na si Atty. Aquilino Mejica na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Nabatid na ang misis ng suspek na si Carol ay kabilang sa Technical Working Group ng Leyte Normal University kung saan madalas nitong kasama ang biktima sa mga proyekto.
Samantala, nakunan din sa footage ng closed circuit Televison (CCTV) camera ng unibersidad si Mejica habang pinagbabaril ang biktima bukod pa sa pahayag ng ilang testigo.
Nabatid pa na dahil kilala ang nasabing abugado na may mga pagkakataong sinusundo ang kaniyang misis sa unibersidad ay hindi ito ininspeksyon ng mga security guard sa entrance gate.
Gayunman, matinding selos at personal na galit ang sinisilip na anggulo sa krimen habang patuloy ang masusing imbestigasyon.
- Latest