P145-M shabu nasamsam sa drug peddler
MANILA, Philippines – Nabitag ng mga operatiba ng PNP-Anti Illegal Drug Group ang itinuturing na big time drug peddler matapos itong makumpiskahan ng P145 milyong halaga ng shabu sa inilatag na buy-bust operation sa Barangay Carsadang Bago 2, Imus City, Cavite noong Biyernes ng hapon.
Kinilala ni PNP-AIDG Deputy Director P/Senior Supt. Leonardo Suan ang suspek na si Ardel Ajido, 33, ng Panapaan 5 Subdivision sa Brgy. Panapaan, Bacoor City, Cavite.
Isinagawa ang buy-bust operation sa nasabing barangay kung saan agad na pumoste ang mga tauhan ng PNP-AIDG matapos na makipag-deal ang poseur-buyer sa suspek na sinasabing nasa drug watchlist ng PNP.
Hindi na pumalag ang suspek nang dakpin at posasan ng PNP-AIDG personnels.
Nang halughugin ang Ford Ranger pick-up (WLI 738) na gamit ng suspek ay narekober ang 29-kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P145 milyon.
Ang mga ebidensyang nasamsam mula sa suspek ay dinala sa PNP-AIDG sa Camp Crame.
- Latest