7 supporter ng mayor minasaker
CAVITE, Philippines - Ilang oras bago ang botohan, pito-katao ang pinabulagta habang isang pulis naman ang malubhang nasugatan makaraang pagbabarilin ng mga hindi kilalang kalalakihan sa bahagi ng Barangay Wawa 3 sa bayan ng Rosario, Cavite kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga napaslang na sina Arniel Sharief ng Brgy. Wawa 2; Farhan Datu Imam ng Brgy. Tejeros Converntion; Ramon Tuazon, 33, ng Brgy. Sapa 2; Naim Hadjiomar, Omair Imam, 40, ng Brgy. Poblacion; Ibrahim Imam Macarambon, 19, ng Brgy Tejero, Gen. Trias City, Cavite; at si Pabil Mangandia Sultan, 40, ng Brgy. Tejeros sa bayan ng Rosario, Cavite.
Habang isinasalba naman sa pagamutan si Fatak Mampon y Macabago, 39, nakatalaga sa Salaam PNP at residente Brgy. Tejeros Convention, Rosario, Cavite.
Sa ulat na nakarating kahapon sa National Election Monitoring Action Center (NEMAC) sa Camp Crame, ang mga biktima ay lulan ng Mitsubishi Adventure (URQ 913) at ng dalawang motorsiklo na may mga plakang 8055-WK at 8265-DO nang harangin at pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan sa Brgy. Wawa 3 bandang alas-12:10 ng madaling araw.
Nang makababa na ay pinadapa ang mga biktima saka pinagbabaril sa ulo para masigurong patay lahat bago tuluyang iwan ng gunmen.
Nabatid na ang mga biktima ay mga supporter ng mag-amang sina Rosario Mayor Nonong Ricafrente na kandidato sa vice mayoral race at Vice Mayor Jose Voltair Ricafrente na kandidato naman sa mayoralty race.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 5.56mm, cal.45 pistol, cal. 9mm pistol, at cal .45 pistol.
Sa pahayag ni P/Supt. Rommel Javier, officer-in-charge ng Rosario PNP, malaki ang posibilidad na may kinalaman sa banggaan sa pulitika ang naganap insidente.
- Latest