Mt Pulag bawal muna sa trekkers
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Isinara pansamantala sa mga manlalakbay ang umakyat sa pamosong tuktok ng Mt. Pulag sa bayan ng Kabayan, Benguet simula pa noong Huwebes dahil sa banta ng masamang panahon. ?
Ang pagpigil sa mga mountain trekker ay nakapaloob sa advisory ni Mt. Pulag Protected Area Superintendent Emerita Albas.
Maging si Cordillera Office of the Civil Defense Director Andrew Alex Uy ay nagpalabas ng advisory na ipinatitigil pansamantala ang pag-akyat sa nasabing kabundukan.?
Nauna nang ipinasara ni Albas ang Camps 1, 2 at Camp 3 dahil sa nararanasang zero visibility sa lugar na lubhang mapanganib sa mga aakyat ng bundok.?
“Bukod sa banta ng ulan ay dagdag pa rito ang malakas na hangin na makakasira sa pagtayo ng mga tent sa camp site,” dagdag ni Albas.
?Pinayuhan din ang mga manlalakbay na iwasang umakyat sa summit ng Mt. Pulag kung saan may 2,992 metrong taas above sea level.
Nauna nang ipinasara ng pamunuan ni Albas ang Mt. Pulag sa mga campers tuwing Biyernes, Sabado at Linggo upang makapag pahinga naman ang kalikasan at kapaligiran mula sa daan-daang bisita na dumadagsa.
Nabatid na bantog ang Mt. Pulag sa tinaguriang dagat ng kalangitan (sea of clouds) sa tuktok ng pinakamataas na bundok sa Luzon.
- Latest