Pagkaing mayaman sa iodine tangkilikin - NNC
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines – Hinimok ng National Nutrition Council (NNC) ang mga residente ng Central Luzon na tangkilikin ang mga pagkaing mayaman sa iodine upang makaiwas sa mga komplikasyong dala ng kakulangan nito.Ayon kay NNC 3 OIC-Regional Director Ana Maria Rosaldo, ang Iodine ay isa sa pinakamahalagang micronutrient na dapat ay taglayin ng isang tao upang makaiwas sa iba’t ibang uri ng sakit. Isang palatandaan aniya na may mababang iodine ay ang pagkakaroon ng goiter gayundin ang pagkaduling, pagkabingi, pagkapipi, pagbaba ng intelligence quotient at pagbagal sa paglaki ng mga sanggol. Ipinapayo ni Rosaldo na ugaliing kumain ng mga pagkaing mayaman sa iodine tulad ng maliliit na isda, shell fish, hipon, at ang iodized salt. Binalaan din ng NNC ang mga may goiter na umiwas sa mga pagkaing may goitrogen content tulad ng broccoli, repolyo, talbos ng kalabasa at kamoteng kahoy. Sa kabuuang populasyon ng rehiyon 3 ay aabot sa 11.3 porsyento ang naitalang may mababang iodine kung saan ang 26. l porsyento ay mula sa Aurora habang 25.5 porsyento naman sa Bataan.
- Latest