Abu kidnaper, nalambat
MANILA, Philippines – Nasakote ng pinagsanib na tauhan ng pulisya at militar ang isa sa mga bandidong Abu Sayyaf na sangkot sa serye ng kidnap-for-ransom sa isinagawang operasyon sa kahabaan ng Don Pablo Street sa Zamboanga City, Zamboanga del Sur kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Chief Insp. Rogelio Alabata, PNP regional spokesman ang suspek na si Lintang Abdul Manap na gumagamit ng mga alyas na Said, Munap Saimaran at alyas Mentang Abdulmanap.
Nabatid na isinailalim sa surveillance ang suspek matapos na makatanggap ng report kaugnay sa presensya ng mga wanted na suspek.
Bandang alas-4:30 ng hapon nang maaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu nina Judge Ernesto Gutierrez ng Parang Regional Trial Court Branch 4, Sulu at Judge Erlinda Uy ng Pasig City Regional Trial Court Branch 162.
Sa tala ng pulisya, ang suspek ay sangkot sa 21-counts ng kidnapping with ransom sa Sipadan, Malaysia noong 2000 at iba pa.
- Latest