P.2-M limas sa bus holdap
BULACAN, Philippines – Umaabot sa P.2 milyong halaga ng ari-arian at cash ang natangay ng limang kalalakihan makaraang holdapin ang pampasaherong bus sa kahabaan ng DRT Highway Barangay Sabang, bayan ng Baliwag, Bulacan kahapon ng madaling araw.
Sa imbestigasyon nina SPO2 Eduardo Sulian Jr. at PO3 Maurice Cruz Jr., hinoldap ng limang kalalakihan ang mga pasahero ng 5 Star Bus Co. (TXX-310) habang bumibiyahe sa kahabaan ng DRT Highway patungong Cabanatuan City sa Nueva Ecija mula sa Cubao, Quezon City.
Kabilang sa mga biktima ng holdap na dumulog sa himpilan ng pulisya sina Nonorio Domingo, drayber ng bus, ng Brgy. Sampaloc, Talavera; Erniel Gamboa, kunduktor, ng Brgy. Mabarao, Sto. Domingo, Nueva Ecija; Reynaldo Aquino, Angel Santos, Annaline Manahan, William Mon, Arlando Fernando, Fredelyn Fernando, April Yumang, Antonio Laglagura, Jazeel Maglente, William Madriaga, Ana Marie Benito, at si Dexter James.
Kasalukuyan ng tinutugis ang limang holdaper kabilang si Jeffrey Cristobal na nakita ang larawan sa rouge gallery ng pulisya na tumakas patungo sa direksyon ng Brgy. Sabang sa nasabing bayan. Natangay sa mga biktima ang mga personal na gamit, pera kabilang ang kinita ng bus na P173,000.
- Latest