4 bata nalunod, 1 pa nawawala
MANILA, Philippines – Luksa ang pagsalubong sa kapaskuhan ng pamilya ng apat na mga bata makaraan silang malunod habang lumalangoy sa karagatan ng Brgy. Naga, Tiwi, Albay nitong Huwebes ng hapon.
Ang mga nasawi ay nakilalang sina Hasley Nuñez, 14 taong gulang; Mackrey Rayala, 11, Anthony Colasi, 1 at Louie Brocalis, 9 anyos.
Patuloy namang pinaghahanap ang isa pang biktima na si Edcel Colasi, 11 taong gulang.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) V, kagagaling lamang ang mga biktima sa Christmas party ng kanilang eskuwelahan dakong alas-4 ng hapon nang maisipang mag-swimming sa dagat.
Sa kalagitnaan ng pagsu-swimming, napagawi sa malalim na bahagi ng dagat ang ilan sa mga bata hanggang sa magkakampay na sinaklolohan naman ng kanilang mga kasamahan. Gayunman, pare-pareho silang nilamon ng mga dambuhalang alon.
Narekober ng nagrespondeng search and retrieval team ang bangkay ng apat sa mga biktima dakong alas-7 ng gabi ilang oras matapos ang insidente.
Ipinasa na sa kanilang mga pamilya ang bangkay ng apat na batang nalunod. Joy Cantos/Ed Casulla
- Latest