Shabu lab ni-raid, P15-M droga nasamsam
TUGUEGARAO CITY, Philippines – Umabot sa P15 milyong halaga ng shabu at mga kemikal o sangkap sa paggawa nito ang nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency kasunod ng isinagawang pagsalakay sa pinaghihinalaang laboratoryo ng droga sa Sta. Ana, Cagayan kamakalawa.
Sinabi ni PDEA Regional Dir. Derrick Carreon na tatlong kilong shabu at 15 sakong mga kemikal ang narekober sa sinalakay na beach house ng isang Michael Lee sa Barangay Samuk-samok matapos na isilbi ng mga operatiba ang search warrant na ipinalabas ni Quezon City RTC Judge Fernando Sagun.
Arestado ang dalawang Taiwanese nationals na sina Ke Chyi Long, 36 at Chay Jong Yi, 31 sa operasyon. Dinakip din ang mga tauhan sa shabu lab na sina Sanny Cangas, 28, Mario Umengan, 51, Alberto Dican, 46 at Dennis Albino, 41.
Hindi naman nadatnan ng mga operatiba ang nasabing may-ari ng beach house.
Sa tala ng pulisya, nalansag ng PDEA at PNP ang isang malaking laboratoryo ng shabu sa bayan ng Lasam, Cagayan noong nakaraang taon na ikinadakip ng isang dating Mayor doon at isang negosyanteng Tsino.
- Latest