Bagatsing nagpasalamat sa endorso ni Duterte
MANILA, Philippines – Nagpasalamat si Congressman Amado Bagatsing ng 5th District of Manila sa tiwalang ibinigay sa kanya ni Presidential candidate, Davao City Mayor Rodrigo Duterte nang gawin siyang official candidate sa pagka-alkalde ng huli sa darating na 2016 election.
Ito nga ay matapos na itaas ni Duterte ang kamay ni Bagatsing at pormal na inihayag bilang kanyang opisyal na kandidato sa lungsod ang anak ng dati at isa sa pinakamagaling na alkalde sa kasaysayan ng Maynila na si Mayor Ramon D. Bagatsing.
Sa kabila umano ng panliligaw kay Duterte ng kampo ng iba pang kandidato sa pagka-Mayor sa Maynila, mas pinili umano nitong dalhin at makipag-sanib puwersa kay Bagatsing dahil na rin aniya sa malinis at magandang rekord nito bilang isang congressman ng singko distrito.
Katunayan umano nito ay ang dedikasyong makapagbigay ng mga mahusay at makabuluhang tulong ni Bagatsing hindi lamang sa kanyang mga ka-distrito, ganun na rin sa iba pang residente ng lungsod sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at proyekto na nakapailalim sa Kabalikat ng Bayan sa Kaunlaran Foundation (KABAKA) na kanyang itinatag noong dekada 80’s.
Bukod rito, sinabi pa ni Duterte na ang kampanya ni Bagatsing kontra sa kahirapan, korapsyon, droga at pagkakaroon ng hanapbuhay para sa mamamayan ng Maynila ang isa sa nagtulak sa kanya na magdesisyon na suportahan ang kandidatura ng kongresista at hindi sina dating Mayor Aldfredo Lim at incumbent and re-electionist Mayor Joseph Estrada.
- Latest