Kidnaper pa ng pinugutang Malaysian timbog!
MANILA, Philippines – Isa pang kidnapper ng pinugutan na Malaysian hostage ang nasakote ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa follow-up operation nitong Biyernes sa Jolo, Sulu .
Kinilala ni Brig. Gen. Alan Arrojado, Commander ng AFP Joint Task Group Sulu ang suspek na si Kadaffy Muktadil alyas Kadaffy Camsa ng Sitangkai, Tawi-Tawi. Siya ay nasakote sa Jolo Integrated Provincial Hospital dakong alas-11:10 ng umaga sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte dahil sa pagdukot sa dalawang Malaysian national kabilang si Engr. Bernard Ghen Ten Fen na pinugutan ng ulo.
Nauna rito, naaresto sa Jolo Pier ang isang lider ng mga bandidong Abu Sayyaf na sangkot din sa pagbihag sa Malaysian hostage.
Si Saddam Jailani ay unang nasakote ng alas-2:40 ng hapon at sa interogasyon ay nagkaroon ng lead ang mga awtoridad hanggang sa matunton si Kadaffy.
Magugunita na si Fen ay pinugutan ng ulo ng mga bandido, noong Nobyembre 17 sa kasagsagan ng Asia Pacific Cooperation (APEC) Summit 2015 sa Manila matapos na mabigo naman ang pamilya nito na bayaran ang balanseng P40 milyong ransom mula sa demand na P100 milyon.
Binihag si Fen kasama ang negosyanteng si Thien Nyuk Fun, 50, may-ari ng Ocean King Restaurant sa Sandakan, Malaysia noong Mayo 15, 2015. Pinakawalan si Fun noong Nob. 8 pero naiwan si Fen at pinatay ng mga kidnappers.
- Latest