Suspected bomber, 4 pa naaresto
Kabacan, North Cotabato, Philippines – Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang isang hinihinalang “bomber” na umano’y responsable sa pagpatay sa dating bise alkalde ng Kabacan matapos ang “One time Big time” operation ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar sa nasabing bayan kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/SSupt. Alexander Tagum, Provincial director ng Cotabato Police Provincial Office ang suspek na si Omar Sultan alias ‘Menu’ Derby Gani Manok, 35, may asawa at residente ng Brgy. Lower Paatan, Kabacan, North Cotabato.
Apat pang kasamahan ng suspek ang nahuli na sina Monger Kusain, 25, kasapi ng BPAT sa Pagalungan, Maguindanao; Rahib Pilas Inggam, 22, ng Brgy. Kayaga; Abu Hajitaib, 34, ng Balong, Pikit at isang pang hindi tinukoy ang pangalan.
Pinaniniwalaan na si Sultan ang responsable sa mga paghahagis ng granada at pambobomba sa bayan ng Kabacan at iba pang lugar sa lalawigan.
Nakuha mula sa bahay ni Sultan ang isang 5mm na baril, kalibre .45 na pistola, 1 granada, tatlong karnap na motorsiklo at mga folded foil. Narekober din maging ang isang kalibre .45 na pistol at 9mm pistol na pag-aari ng mga pulis na sina SPO1 Oro at SPO1 Desendario.
Matapos na madakip, iprinisinta kay Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr. ang mga suspek sa isang pulong balitaan.
Ayon kay PSI Ronnie Cordero na walo ang nahuli nila sa magkakahiwalay na lugar sa isinagawang operasyon. Maliban sa Brgy. Lower Paatan hinalughog ang bahay ni Rex Bacana ‘alias’ Toto sa Sitio Lumayong, Brgy. Kayaga, Kabacan at nakuha ang mga baril at bala sa kanya. Huli rin ang isang Bai Lindongan Guiamalod, ng Brgy. Kayaga, Kabacan makaraang makuhanan ng ipinagbabawal na droga.
- Latest