Suspek sa pagpatay sa inhinyero at estudyante… 4 hired-killers, arestado
BULACAN, Philippines – Apat-katao na sinasabing responsable sa pagpatay sa isang engineer ang naaresto ng mga operatiba ng pulisya sa bahagi ng Barangay Poblacion sa bayan ng Santa Maria, Bulacan kahapon.
Nakatakdang kasuhan ang mga suspek na sina Lydio Depetillo, 37, contractor, ng Brgy. West Camias, Quezon City; Romeo Rivera Jr., 49, ng Northville 2, Brgy. Bagumbong, Caloocan City; Ernesto Avellanosa Jr., 48; at si Stella Nepomuceno, 60, kapwa nakatira sa Brgy. San Gabriel sa bayan ng Santa Maria.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang isa sa kasabwat na nakilala lamang sa alyas Jun.
Sa police report na nakarating kay P/Supt. Rodolfo Hernandez, nasabat ang mga suspek na nagpakilalang mga opisyal ng Phil. Army habang lulan ng Toyota Fortuner (NIZ-223) at Isuzu MU-X (AWA-9859).
Lumilitaw na namataan ng ilang residente ang mga suspek na may mga hawak na baril habang may kausap sa harapan ng RGD Military/Police Supply sa Barangay Poblacion.
Kaagad namang ipinaabot ng ilang residente sa himpilan ng pulisya kung saan mabilis na rumesponde ang pangkat ni P/Senior Insp. Romeo De Guzman.
Gayon pa man, tumakas at nakipaghabulan ang mga suspek laban sa mga pulis kung saan nakorner naman sa nasabing barangay.
Nasamsam sa mga suspek ang tatlong cal. 45 pistol, isang cal.30 U.S. Carbine, mga magasine at iba’t ibang bala ng baril.
Sa beripikasyon ng pulisya, ang Toyota Fortuner (NIZ-223) ay ginamit sa pananambang at pagpatay sa 40-anyos na engineer na si Jezyriel Beturin kung saan malubhang nasugatan ang kasama nitong si Niño San Gabriel noong September 21, 2015.
Napag-alaman din na ang Toyota Fortuner (NIZ-223) din ang ginamit sa pagpatay sa FEU Manila student na si Kristian Serrano sa bisinidad ng kanyang bahay sa Lancaster Village West 2, Barangay Alapan 2A, sa Imus City, Cavite nong July 2, 2015.
- Latest