BIFF attack vs Army detachment, nasilat
MANILA, Philippines – Nasilat ng tropa ng militar ang pag-atake ng mga rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) matapos tangkaing makubkob ang isang Army detachment sa bigong pag-atake sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao kamakalawa.
Sa ulat ng Army’s 6th Infantry Battalion, bandang alas-4 ng madaling araw nang ratratin ng BIFF rebs ang detachment ng Army’s 34th Infantry Battalion.
Ayon kay Col. Edgar delos Reyes, commander ng Army’s 34th Infantry Battalion, ang umatakeng BIFF rebs ay pumuwesto may ilang metro ang layo sa kanilang detachment.
Sunud-sunod na putok ng malalakas na kalibre ng baril ang pinawalan ng mga rebelde pero taliwas sa inaasahan ay nakaalerto ang mga sundalo na mabilis na gumanti ng putok.
Tumagal ng halos isang oras ang putukan bago nagsiatras ang mga rebelde patungo sa direksyon ng kagubatan.
Nabatid na pinamumunuan ng alyas Commander Abu Bin Laden ang BIFF rebs kung saan ay pinaniniwalaang nalagasan ang mga ito base sa mga patak ng dugo na nakita sa dinaanan ng mga ito sa pagtakas.
Samantala, nagsilikas naman ang 30 pamilya sa takot na maipit sa bakbakan na nagsibalik lamang sa kinahapunan.
- Latest