3 patay sa karambola ng 5 sasakyan
MANILA, Philippines – Tatlo-katao ang namatay habang lima naman ang nasugatan makaraang magkarambola ng mga sasakyan sa kahabaan ng national highway sa Sitio Ocine, Barangay Panagan, bayan ng Tigaon, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.
Kabilang sa mga namatay ay sina Desiderio Piadopo, Vince Verdejo at Daniel Piadopo.
Isinugod naman sa Bicol Medical Center sa Naga City ang mga nasugatang biktima kabilang ang ilang nasa kritikal na kondisyon.
Sa ulat ng Camarines Sur Police, dakong alas-3:40 ng hapon ng maganap ang karambola ng sasakyan sa nasabing lugar.
Sa police report na isinumite sa Camp Crame, nag-overtake ang Isuzu truck (RCA257) ni Rizaldy Catubig sa sinusundang Florencia Bus (EVU358) ni Ramir Ibatan kaya naganap ang karambola.
Nadamay sa karambola ang traysikel na minamaneho ni Bobby Verdejo na lulan ang misis nitong si Jeannette Verdero, anak na si Vince Lorence Verdejo, 3; at si Bryan Gabriel Verdejo.
Maging ang motorsiklo ni Desiderio Piadopo at ang Mitsubishi van truck (TGP 345) na minamaneho ni Antonio Diesta Jr. na sakay naman sina Rene Haineto at Michael Romero ay sinalpok naman ng isa pang Isuzu Elf truck (RKU 114) ni Willie Botin.
Sumuko naman sa ibang himpilan ng pulisya ang driver at pahinante ng nakaaksidenteng trak.
- Latest