Palengke nasunog: 15 patay, 12 sugatan
MANILA, Philippines - Umaabot sa 15-katao ang namatay habang 12 naman ang nasugatan makaraang lamunin ng apoy ang pamilihang bayan sa Zamboanga City, Zambonga del Sur sa mismong bisperas ng Undas kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Dominador Zabala Jr., Zamboanga City District Fire Marshal, kinilala ang mga namatay na sina Kayulan Hasiddin, 48; Musal Hasiddin, 45; Abei Salahuddin, 40; Nurul Salahuddin, 39; Marilyn Salahuddin, 32; Radzhata Hasiddin, 28; Ruhilyn Hamis, 26; Algabid Salahuddin, 20; Binnas Salahuddin, 20; Radzmer Hassidin, 10; Nur Ais Hasiddin, 9; Noynoy Hasiddin, 5; Crissamae Hasiddin, 3; Bunay Hasiddin, 1; at Jasper Hamis, 1.
Sugatan namang naisugod sa Zamboanga City Medical Center at Brent Hospital ang mga biktimang sina Abduraham Hamis, 36; Albini Jaani, 32; Nasmiya Hamis, 9; Nasriya Hamis, 5; Annang Erilis, 45; Bennaser Hamis, 32; Almudzra Hamis, 31; Yasser Jamiri, 29; Nurmina Jamiri, 18; Alvin Bete, 14; Farhana Hamis, 9; at si Midzfar Hamis, 7.
Sa ulat ng Zamboanga City Risk Reduction and Management Council, bandang alas-3 ng madaling araw nang magsimulang tupukin ng apoy ang 100 na tindahan ng ukay-ukay at mga gulay sa Magay Street, Barangay Zone 1.
Hindi na nakalabas ang mga biktima na sinasabing mahimbing na natutulog sa kani-kanilang tindahan.
Samantala, nadamay din ang mga katabing establisyemento at mga kuwarto na pinag-iimbakan ng mga panindang bigas at iba pa sa nasabing palengke.
Aabot naman sa P8 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala sa nasunog na palengke habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest