Bulacan gob, may sariling bersyon ng DAP – BM Fermin
MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Bulacan 1st district board member Michael Fermin ang hinihiling ni Bulacan Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na supplemental budget na nagkakahalaga ng P60 milyon dahil sa maaari umano itong magamit sa darating na eleksyon.
Sinabi ni Fermin, ilegal ang ginawa ni Alvarado na ideklarang “savings” ang pondo ng Kapitolyo gayung hindi pa naman natatapos ang taon at hindi rin umano “deemed urgent” ang paggagamitan ng pondo na pawang puro pang-imprastraktura.
Ayon kay Fermin, ang hiling ni Alvarado ay bersyon ng kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program, na idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
Iginiit na sa naging hatol ng Korte Suprema sa DAP, ang deklarasyon ng savings ay ginagawa sa pagtatapos ng taon.
“Ilegal ang resolusyong hinihingi ni Alvarado dahil hindi ito sang-ayon sa itinatakda ng Local Government Code of the Philippines at taliwas ito sa naging ruling ng Korte Suprema sa DAP,” ani Fermin.
Malinaw aniya sa isinasaad ng Section 322 ng Local Government Code at ang Implementing Rules and Regulations nito na kailangang maibalik ang natitirang pondo sa general fund tuwing katapusan ng bawat taon para muling magamit sa susunod na taon.
- Latest