Mayor, anak inutas ng NPA rebels
MANILA, Philippines – Dinukot saka brutal na pinatay ng mga rebeldeng New People’s Army na nagpanggap na mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang alkalde at anak nitong lalaki sa Butuan City, Agusan del Norte, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na nakarating kay Major Gen. Oscar Lactao ng Army’s 4th Infantry Division, kinilala ang mag-ama na sina Loreto Mayor Dario Otaza at Daryl Otaza, 27, kapwa nakatira sa nasabing bayan.
Iginapos ang mag-ama saka tinadtad ng bala ng baril nang matagpuan ng tropa ng Army’s 23rd Infantry Battalion kahapon ng umaga sa masukal nabahagi ng Purok 2 sa Barangay Bitan-agan.
Dinukot ang mag-ama sa kanilang bahay sa Purok 5, Barangay Baan sa Butuan City noong Lunes ng gabi.
Nabatid na pumasok sa bahay ng alkalde ang mga rebelde saka sinunggaban kaagad ang anak ni Mayor Otaza na ginamit upang mapilitan ang alkalde na lumabas.
Tinutukan ng baril ang mag-ama na iginapos saka kinaladkad pasakay sa itim na Starex van kung saan dinisarmahan ang mga security escorts ng alkalde.
Narekober naman ng pulisya ang kinomander na sasakyan ng alkalde may ilang metro ang layo sa kinatagpuan sa bangkay ng mag-ama kahapon ng umaga.
Sa pahayag ni AFP-Eastern Mindanao Command Chief Lt. Gen. Aurelio Baladad, si Mayor Otaza na nagmula sa katutubong Manobo ay dating NPA rebels na tumiwalag at nilandas ang pagbabagumbuhay kung saan naging aktibo sa krusada laban sa komunistang grupo.
Bilang alkalde at miyembro ng Provincial Tribal Council sa Agusan del Sur ay napalaya nito ang kaniyang bayan laban sa NPA rebs.
Si Mayor Otaza rin ang nagsilbing susi sa pagsuko ng 246 opisyal at miyembro ng NPA rebs na karamihan ay mga Lumad.
Nagpapatuloy naman ang hot pursuit operations ng pulisya at militar laban sa grupo ng NPA rebs.
- Latest