Parak hinostage, 1 pa kritikal sa illegal logger
MANILA, Philippines – Isang pulis ang hinostage habang isa pang kasamahan ang malubhang nasugatan matapos na barilin at tagain habang isinisilbi nila ang warrant of arrest laban sa wanted na isang pinaghihinalaang illegal logger sa Brgy. Sayon, Sta. Josefa, Agusan del Sur kamakalawa.
Kinilala ang pulis na hinostage na si PO3 Renato Mendez habang inoobserbahan sa Intensive Care Unit ng Davao Regional Hospital sa Tagum City ang kasamang si PO1 Efren Castor na may tama ng bala sa kaliwang bahagi ng tiyan at taga sa kaliwang kamay.
Ayon kay Supt. Martin Gamba, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 13, dakong alas-2:14 ng hapon nang magtungo sa lugar sina Castor at Mendez upang isilbi ang warrant of arrest laban sa suspek na si Carmelito Davin na nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree (PD) 705 o ang Forestry Reform Code of the Philippines.
Sa halip na sumuko, agad pinaputukan ni Davin si Castor habang hinostage ng kasamahan ng nasabing suspek na may alyas na Aying Esteban si PO3 Mendez.
Rumesponde ang mga tauhan ng Sta. Josefa Municipal Police Station sa lugar at nakipagkoordinasyon sa mga opisyal ng barangay at Cafgu Active Auxiliary (CAA) hanggang sa mapalaya ang hostage na pulis at naaresto si Davin na nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso.
- Latest