Babaeng tanod itinumba sa tindahan
CANDELARIA, QUEZON, Philippines – Bumulagta sa loob ng kanyang tindahan ang isang babaeng barangay tanod matapos na barilin ng isang hindi nakikilalang salarin kamakalawa ng umaga sa Barangay Sta. Catalina Norte, bayang ito. Kinilala ni P/Supt. Art Brual Jr. ang biktimang nagtamo ng isang tama ng kalibre 45 sa dibdib na si Marilyn Sta. Maria, 51, may-asawa ng nasabing lugar. Dakong alas-4:45 ng umaga habang nakaupo sa loob ng kanyang tindahan ang biktima nang lapitan ng suspek na nagkunwaring bibili ng sigarilyo. Habang iniaabot ng biktima sa suspek ang binili nito ay sinabayan naman siya ng tutok ng baril at saka ipinutok. Nang bumulagta ang biktima, naglakad lamang patakas ang suspek na parang walang nangyari. Inaalam na ng pulisya kung may kinalaman sa pagiging barangay tanod ng biktima ang motibo sa krimen.
- Latest