Lady professor, kawani utas sa bumaliktad na Hi-lux
LAMUT, Ifugao, Philippines – Kapwa patay ang isang propesora ng unibersidad at isang kawani ng lokal na pamahalaan habang sugatan ang tatlong iba pa na pawang mga nakisakay lang nang bumaliktad ang kanilang sinasakyang Toyota Hi-lux sa Barangay Sanafe, Lamut, lalawigang ito kamakalawa ng gabi.
Ang dalawang nasawi ay sina Roselyn Malingan, 28, professor ng Ifugao State University (IFSU) na nakabase sa Nayon, Ifugao at Wrechelle Valenciano, 34, empleyado ng lokal na pamahalaan ng Lamut.
Ang mga sugatan ay sina Lalaine Malingan, 24, nurse ng Rural Health Unit (RHU) sa Lamut; Wilaine Tayaban, 24, draftsman sa nabanggit na unibersidad, at ang driver ng sasakyan na si Esteban Bulahaw Bangiw ng Oceana Gold Mining Corporation.
Sa inisyal na ulat ni PSI Edgar Tapo, hepe ng Lamut PNP, dakong alas-6:00 ng gabi nang isakay ng driver ang mga biktima na kababayan matapos makitang nag-aabang ng masasakyan pauwi sa kanilang barangay sa Hapid.
Gayunman, pagdating sa nasabing lugar, nawala umano sa kontrol ng manibela ang driver ng pick-up hanggang sa bumaliktad ito. Naipit ang dalawang biktima sanhi ng kanilang agarang pagkamatay habang tumilapon ang dalawang biktima na kasalukuyan ginagamot sa pagamutan.
Ang driver na nasa pangangalaga ngayon ng PNP Lamut ay umuwi sa kanilang lugar mula Nueva Ecija para maghatid sana ng pera sa kanyang pamilya nang maganap ang naturang aksidente.
- Latest