School director, 2 pa patay tribal war
MANILA, Philippines – Tatlo-katao kabilang ang school director ang napatay makaraang salakayin at sunugin ng 30-kalalakihan ang isang komunidad sa bulubunduking bahagi ng Barangay Diatagon sa bayan ng Lianga, Surigao del Sur, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga napatay na sina Emerico Samarta, director ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev), at ang dalawang sibilyang sina Dionel Campus at Aurelio Sinzo.
Si Samarta na iginapos ang mga kamay at paa ay tinadtad ng saksak habang sina Campos at Sinzo ay pinalabas ng kanilang bahay saka niratrat.
Sa ulat ng Army’s 75th Infantry Batallion, sinalakay ng mga armadong kalalakihan ang komunidada ng Manobo tribe sa KM 16 sa nasabing barangay kung saan sinunog ang isang eskuwelahan at mga kabahayan.
Sinabi ni Caber na ang insidente ay resbak ng mga kalabang tribo ng Manobo tribe dahil nalagasan din sila ng mga kasamahan sa clan war sa nasabing bayan kamakailan.
Kaugnay nito, itinanggi naman ni Caber ang paratang ng militanteng grupong Karapatan na mga sundalo umano ang nasa likod ng pagpatay at panununog.
Nabatid na ang nasabing lugar ay sinasabing malakas ang impluwensya ng mga rebeldeng komunista.
Sa katunayan, ayon kay Caber ay nagsitakas ang grupo ng kalaban ng Manobo tribe matapos na mamataan ang tropa ng militar at pulisya na rumesponde.
- Latest