8 utas sa bakbakan ng 2 kumander ng MILF
NORTH COTABATO, Philippines - Pumalo na sa walo-katao ang naiulat na napatay habang aabot naman sa 500 ang nagsilikas sa naganap na sagupaan ng dalawang kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa liblib na bahagi ng Barangay Napnapan sa bayan ng Palimbang, Sultan Kudarat noong Sabado ng gabi.
Sa ulat na nakarating sa Sultan Kudarat PNP, nagkasagupa ang grupo nina Kumander Bonde Binago ng MILF 105th BC at Kumander Brian Andi ng MILF 104th BC sa nasabing barangay.
Dahil sa tindi ng bakbakan ng magkabilang panig, aabot sa 500 residente ang nagsilikas sa takot na maipit sa madugong engkuwentro.
Sa pahayag naman ni Palimbang chief of P/Senior Inspector Romeo Calamba, hepe ng Palimbang MPS, bukod sa walo ang napatay ay 11 naman ang nasugatan mula sa magkabilang panig.
Lumabas sa report na inatake ng mga tauhan ni Kumander Andi mula sa Barangay Kanipaan ang pinagkukutaan ng mga tauhan ni Kumander Binago bilang paghiganti sa pagkamatay ng kasamahang si Kadil Kongo at ng 8-anyos na batang lalaki na tinamaan ng ligaw na bala mula sa riding-in-tandem gunmen noong Linggo ng Agosto 2.
Tatlo sa napatay ay mga tauhan ni Binago habang dalawa naman sa panig ni Andi.
Samantala, nagpadala na ng emisaryo si Maguindanao Sultan Salem Abdulaziz Guiwan Mastura Kudarat V para mapigilan ang lumalalang sigalutan ng dalawang kumander ng MILF.
- Latest