Lady lawyer itinumba, 2 pa sugatan sa tandem
MANILA, Philippines - Patay ang isang babaeng abogado habang dalawa pa niyang kasamahan sa law firm ang sugatan matapos na tambangan ng motorcycle riding-in-tandem sa Mandaue City, Cebu nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat ng Mandaue City Police, dead-on-the-spot ang target na si Atty. Amelie “Am-Am” Ocañada-Alegre, 35-anyos sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Inoobserbahan naman sa pagamutan ang mga sugatan na sina Atty. Briccio Boholst, 55 at isang office staff na si Antonip Pino na nagtamo rin ng mga tama ng bala sa katawan.
Bandang alas-6 ng gabi habang binabagtas ng mga biktima na lulan ng kulay abong BMW na minamaneho ni Atty. Amelle ang kahabaan ng Catalino Street sa Brgy. Looc nang dikitan ng magkaangkas sa itim na motorsiklo na dalawang lalaki na naka-helmet at nakasuot ng itim na jackets.
Mabilis na pinagbabaril ng mga suspek ang mga biktima at pinuntirya ang driver’s seat kung saan nakaupo ang lady lawyer.
Bago ang krimen, nakatanggap umano ng death threat ang nasawing abogado mula sa kanyang mister na naghain ng annulment case laban sa kanya dahil sa umano’y sa problema sa kanilang pagsasamang mag-asawa.
Mariing kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Cebu Chapter ang pagpatay sa lady lawyer habang patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa kasong ito. (Joy Cantos)
- Latest