‘Killer’ng CNN cameraman natimbog
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region IV A ang isa sa mga pinaghihinalaang sangkot sa pagpatay sa cameraman ng CNN Philippines na si Jonathan Oldan sa isinagawang follow-up operation ng pulisya sa Imus City, Cavite kamakalawa.
Sa ulat na tinanggap ni PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong, ang suspek na si Edgar Angelo Labi ay nasakote sa Chesapeake Subdivision, BNT ng lungsod.
Nakumpiska mula kay Labi ang isang cal. 40 pistol na hinihinalang ginamit nito sa pagpatay sa biktimang si Oldan at may 50 bala.
Ang pagkakasakote sa suspek ay bunsod sa pinalakas na “Oplan Lambat Sibat” ng PNP laban sa mga most wanted criminals.
Magugunita na pinagbabaril si Oldan, 30, ng hindi pa nakilalang mga armadong suspek noong Hunyo 25, 2015 sa may Bukaneg Street, Brgy. Pinagbuklod, Imus City, Cavite. Siya ay nagtamo ng pitong tama ng bala sa katawan.
Si Oldan, nakatalaga sa Department of Justice at Supreme Court ay ang ikatlong mamamahayag na pinaslang ngayong taon.
Nahaharap naman si Labi sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
- Latest