Massage parlor binomba: 1 utas, 10 sugatan
MANILA, Philippines - Isa katao ang kumpirmadong patay habang 10 pa ang malubhang nasugatan makaraang sumambulat ang isang bomba na itinanim ng mga hinihinalang terorista na Abu Sayyaf Group (ASG) sa isang massage parlor sa lungsod ng Zamboanga nitong Huwebes ng gabi.
Idineklarang dead-on-arrival sa Zamboanga City Medical Center ang biktima na si Geraldine Miguel alyas Irish matapos mapuruhan sa pagsabog ng bomba.
Ang mga sugatan ay sina Teresita de los Santos, therapist Stephanie Marpel, Marina Anamog, Cheska Mendoza, Elizabeth Alarcon at Karen Alvarez, pawang nagtatrabaho sa nasabing massage parlor. Inilipat si Anamog sa Zamboanga Arturo Eustaquio Colleges (ZAEC) Foundation Community Medical Center sanhi ng malubhang kondisyon. Isa pang sugatan na si Nora Amancion ang agad na nakauwi matapos malapatan ng 1st aid at sugatan din ang mga kustomer na sina Nestor Alban, 39; Alfredo Erojo, 55, at Nilon Biton.
Ayon kay Sr. Supt. Angelito Casimiro, Director ng Zamboanga City Police, isang improvised explosive device na gawa sa (ammonium nitrate/fuel oil) ang sumabog na bomba dakong alas-9:47 sa Manly Massage and KTV parlor sa Mayor Ledesma Street, Brgy. Zone II habang nasa loob ang 11 biktima.
- Latest