Beauty contestant dedo sa overdose ng ‘slim pills’
MANILA, Philippines - Masaklap na kamatayan ang sinapit ng 19-anyos na 1st runner-up sa Miss Saulog sa Zamboanga del Norte na sinasabing namalagi ng isang linggo sa ospital matapos itong ma-overdose ng slimming pills noong Biyernes.
Si Mary Antoniette P. Acedo ay isinugod sa Zamboanga del Norte Medical Center matapos magreklamong sumakit ang tiyan at magsuka.
Lumabas sa pagsusuri ng mga doctor na si Acedo na tumitimbang ng 40 kilos ay umiinom ng apat na slimming pills sa loob ng isang araw.
Una ng nagreklamo sa kanyang doctor si Acedo na kalimitang sumasakit ang kanyang tiyan sa pag-aakalang may amoebiasis pero inilihim nito ang paggamit ng nasabing pills.
Sinasabing sa online nabili ng biktima ang slimming pills na pinaniniwalaang hindi aprobado ng FDA, ayon sa ina ni Acedo na si Mary Jane.
Napag-alamang si Acedo na dumanas ng pagdurugo habang nagpapakuha ng litrato para sa Miss Dapitan contest ay isinugod sa ospital.
Sa pahayag ni Apple Agolong, tourism officer sa Dapitan City, si Acedo na naging 1st runner-up sa Miss Saulog sa Zamboanga del Norte ay lumahok sa Miss Dapitan beauty contest kung saan naka-schedule ang coronation night kahapon (Hulyo 23) kasabay ng Kinabayo Festival.
Ayon sa mga doctor ng Dipolog Medical Center, ang ilang internal organ ni Acedo partikular na ang atay ay bumigay matapos ma-overdose ng slimming pills habang narekober naman sa silid ni Acedo ang botelya ng nasabing slimming pills. Isinalin sa Tagalog ng patnugot
- Latest