Manager ng security agency kulong ng 20-taon
MANILA, Philippines - Umaabot sa 20-taon kulong ang hatol ng mababang hukuman sa La Union laban sa manager ng security agency na sinasabing nabigong mag-remit sa Social Security (SSS) ng contributions ng kanyang mga security guard.
Nakasaad sa dokumento ng pamunuan ng Social Security System (SSS) nang madesisyunan si Judge Victor O. Concepcion ng San Fernando Regional Trial Court Branch 66 ang naisampa nilang kaso laban sa akusadong si Fred Ventura, operations manager ng Guardsman Security Agency and Detection Group sa San Fernando City, La Union matapos mapatunayang nagkasala sa kasong paglabag sa Social Security Act of 1997 bunga ng pagbabawas ng kompanya ng SSS contribution ng mga guwardiya pero hindi naireremit sa nasabing tanggapan.
Si Ventura ang nakarehistrong may-ari ng Guardsman noong May 2010 sa kabila ng pagtanggi na siya ang may-ari ng kumpanya makaraang kasuhan ng SSS sa di-pagbabayad ng premiums mula September 2010 hanggang March 2011.
Ikinatwiran pa ni Ventura na bilang operations manager, lumalabas na siya ay kawani lamang ng nasabing ahensya kaya di-dapat umanong sisihin sa hindi pagre-remit ng SSS premiums ng mga guwardiya.
Binalewala ng hukom ang alegasyong ni Ventura bagkus ay ikinatwiran ni Judge Concepcion na may responsibilidad ito na mag-remit ng SSS contributions ng mga kawani nito.
“We hope that this decision will serve as a deterrent to delinquent employers and violators of the SSS Law. We do not only provide benefits but also enforces strict employer compliance in order to ensure full protection of our members,” pahayag pa ni SSS La Union Branch Head Gloria Corazon M. Andrada. Angie Dela Cruz
- Latest