P7-M pananim apektado ng El Niño
NORTH COTABATO, Philippines - Ekta-ektaryang tanim na palay, mais, saging at kape ang napinsala dahil sa nararanasang matinding init dala ng El Niño phenomenon sa Kidapawan City, North Cotabato.
Sa ulat ni Senior Agriculturist Nesmari Espejo ng Kidapawan City Agriculture Office, aabot na sa P7 milyong halaga ng pananim mula sa 18-barangay sa nabanggit na lungsod ang apektado.
Kabilang sa mga barangay na apektado ng tagtuyot ay ang mga Barangay Onica, Katipunan, Nuangan, Macebolig, Amazion, Mateo,Sibawan, Linangkob, Kalasuyan, Magsaysay, Sumbac, Malinan, Paco, Singao, Indangan, Gayola, Kalisan at ang Barangay San Isidro.
Umaabot na sa 27.12 ektaryang taniman ng palay ay hindi na mapakikinabangan habang 12.30 ektaryang maisan, 17.30 ektaryang sagingan at 2.25 ektaryang na taniman ng kape ang apektado.
Dahil dito, matinding paghihirap na rin ang nararanasan ng mga magsasaka kaya nanawagan na ito ng tulong ng Department of Agriculture at sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Unti-unti na ring bumababa ang water level ng mga water basins na pinangangambahang makakaapekto sa pagsusuplay ng tubig ng Metro Kidapawan Water District sa mga kabahayan.
Pinaniniwalaan na tataas pa ang bilang ng apektadong ektaryang taniman kung magpapatuloy at titindi pa ang El Niño phenomenon.
- Latest