Manukan sinunog: 5k manok natusta
CEBU, Philippines – Umaabot sa limang libong manok ang natusta matapos na sunugin ng di-kilalang lalaki ang poultry farm na pag-aari ng dating politiko sa Barangay Ocoy, bayan ng Sta. Fe, Cebu noong Sabado ng hapon.
Base sa ulat ni P/Inspector Romeo Caacoy, hepe ng Sta. Fe PNP, nagsimula ang sunog bandang alas-2 ng hapon kung saan tinupok ang manukan na pag-aari ni Domingo Zaspa na sinasabing lumahok sa mayoralty race noog 2007 elections subalit natalo.
Sa Inisyal na imbestigasyon ng pulisya at Bantayan Fire Station, lumilitaw na namataan ng katiwala ng manukan na may dumaang di-kilalang lalaki kung saan binalewala nito at hindi inakalang di-gagawa ng masama.
Gayon pa man, ilang minuto matapos mamataan ang di-kilalang lalaki ay nagsimulang umusok at magliyab ang gilid ng manukan kung saan kumalat ang apoy.
Isa sa mga anak na lalaki ni Zaspa ang nakakita sa lalaki na may sinilaban sa gilid ng manukan.
Bago pa makarating ang mga pamatay-sunog mula sa kalapit bayan ay nilamon na ng apoy ang buong poultry farm na gawa lamang sa light materials.
Aabot sa P5 milyong halaga ng mga ari-arian ang naabo kabilang na ang limang libong manok na natusta.
Base sa inisyal na pagsusuri, pinapalagay ni Caacoy na sinadya ang sunog sa hindi nabatid na motibo. Freeman News Service
- Latest