139 BIFF patay, 53 sugatan, 12 pa timbog
MANILA, Philippines – Umaabot na sa 139 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasawi, 53 ang sugatan habang 12 pa ang nasakote sa patuloy na all-out offensive ng tropa ng militar sa Central Mindanao.
Ito ang inihayag kahapon ni AFP Public Affairs Office (AFP-PAO) Chief Lt. Col. Harold Cabunoc kaugnay ng determinadong crackdown operations ng tropa ng militar laban sa BIFF rebels.
Sinabi ni Cabunoc na ang nasabing bilang ay naitala simula ng maglunsad ng all-out offensive ang puwersa ng gobyerno laban sa BIFF noong Pebrero 21 hanggang kahapon. Sa panig ng tropang gobyerno, anim ang sundalong nasawi habang mahigit naman sa 30 ang nasugatan.
Sa kasalukuyan, umaabot naman sa mahigit 100,000 ang bilang ng mga evacuees na nagsilikas sa kanilang mga tahanan sa Maguindanao sa takot na maipit sa bakbakan ng mga sundalo at ng BIFF.
Kaugnay naman ng panawagang ceasefire para sa graduation ceremonies ng mga paaralan, sinabi ni Cabunoc na ipinag-utos na ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., kay Army’s 6th Infantry Division Chief Major Gen. Edmundo Pangilinan na tiyakin ang seguridad ng mga estudyanteng magsisipagtapos, kanilang mga magulang at mga guro.
“The AFP will facilitate the conduct of joint graduation ceremonies for the schools in area that are affected by the ongoing law enforcement operations against the BIFF,” ani Cabunoc at iginiit na patuloy ang law enforcement operations sa bahagi ng marshland area na wala namang eskuwelahan.
Nabatid na nasa 39 paaralan sa elementarya at high school ang apektado ng bakbakan kung saan aabot sa 16,361 ang mga estudyante rito.
- Latest