Lider ng militante ‘sinalvage’
BATANGAS, Philippines – Pinaniniwalaang sinalvage ng mga di-kilalang kalalakihan ang 62-anyos na lider ng grupong militante saka itinapon sa gilid ng kalsada sa Barangay Soro-Soro sa Batangas City, Batangas noong Linggo ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Omega Jireh Fidel, Batangas PNP director ang biktimang si Florencio Romano ng Barangay Pook, Sta. Rosa City, Laguna, at organizing leader ng Organized Labor Association in Line Industries and Agriculture (Olalia)-Kilusang Mayo Uno (KMU). Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa dibdib si Romano.
Sa police report, nakatanggap ng tawag sa telepono ang Batangas City PNP mula kay Barangay Councilor Enrique Guinhawa matapos matagpuang patay ang biktima sa gilid ng National Road bandang alas- 6:05 ng umaga.
Nakilala si Romano matapos tawagan ng mga pulis ang mga kasamahan ng biktima gamit ang sarili nitong cell phone na nakuha sa kanyang katawan.
Sa panayam kay Hermie Marasigan, chairperson ng Olalia, posibleng may kaugnayan sa trabaho ang pagpatay kay Romano na aktibong labor organizer sa Southern Tagalog.
Nagsagawa rin ng programa ang mga miyembro ng nasabing grupo, Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (Pamantik) sa Crossing sa Calamba City, Laguna kahapon para kondenahin ang brutal na pagpatay sa kanilang miyembro.
- Latest